Total Pageviews

03 February 2012

TAPAT-LOOB, TAPAT-KALOOB

Kalooban ni Hesus na lakbayin ng mga unang misyonero at misyonera ang malawak na karagatan at palaring mapadpad sa baybaying dalampasigan ng Lupang Hinirang - ang Pilipinas kong bayan. Isa at kalahating siglo (150) na ang nakalipas subalit ang kalooban noon ay nananatiling buhay hanggang ngayon. Kalooban Niya na sa katauhan ng mga naunang CM at DC magsimula ang pagsasabog ng binhi at matanim hanggang mamunga sa diwa ni San Vicente de Paul - ang Kawanggawa at Misyon. Kalooban din ni Hesus na maipagpatuloy ito sa pamamagitan ng pagtawag sa bokasyong Vincentiano na makakatuwang sa pagyabong ng Misyon hanggang ito ay maging isang pamilya at 'di kalaunan ay naging isang malaking angkan. Kalooban lahat ito ni Hesus na tumawag, nagtulak, nag-atikha, kumilos, nagbigay lakas, at nagpasigla sa kalooban upang ito ay mamunga ng ibayo. Kalooban mo ito Hesus na aming nililingon at pinasasalamatan ngayon - isa at kalahating siglo mula noon.

Ang nakalipas na isa at kalahating siglo ay gunita ng KATAPATAN ng Diyos na ang mga dukha ay mapabilang sa Kanyang kawan. Ginising Niya ang KALOOBAN ng maraming Pilipinong-Vincentiano na MAGKALOOB ng sarili para sa iba at aba. Alalaon bagay mga naging TAPAT NA SAKSI sa hamon ng TAPAT-PAGKAKALOOB ng sarili para sa buhay at gawaing paghubog at maka-maralita. Sa pamamagitan ng TAPAT-KALOOB sa gawaing ipinamana sa angkan ni San Vicente de Paul naranasan ng mga maralita na hindi sila kinalimutan ng Diyos. Tapat ang Diyos sa kanyang pangako! Tinupad Niya ito sa katauhan ng mga lagad at lingkod na angkang Vincentiano.

Kaya ang taong ito (2012) ay taon ng PAPURI at PASASALAMAT sa KAGANDAHANG-LOOB NG DIYOS sa ating angkan sa mas malawak na angkan ng mga maralita. Nilingon at inaaninag natin ang bakas ng kahapon na dili baga'y ang bakas ng Diyos na dumaong sa dalampasigan ng Mabuting Kalooban ng bawa't Pilipinong Vincentiano. At ngayon naman na narating na natin ang isa at kalahating siglo ng pasasalamat at paglingon ano naman ang tinatanaw natin sa darating na panahon? Anumang katapatan ng Diyos na ating nadama sa paglingon magsisilbi itong lakas at sigla na magtutulak ng may kusa na ipagpatuloy natin ang TAPAT NA PAGKAKALOOB na sarili sa pagtugon sa hamon ng iba at aba sa kasalukuyang panahon. Kaya maging kahapon, ngayon at bukas ang inspirasyon ng bawat isang Vincentiano sa buhay at gawaing Kawanggawa at Misyon ay ang TAPAT-LOOB ng Diyos na susuklian natin ng TAPAT NA PAGKALOOB. Salamat Hesus sa 'yong KAGANDAHANG-LOOB. Salamat sa angkan ni San Vicente de Paul sa inyong TAPAT NA PAGKAKALOOB. MABUHAY!


Fr, Mars Oabel, CM

No comments:

Post a Comment